-- Advertisements --

Hinimok ni Rev. Fr. Edward Jayson San Diego ang mga deboto ng Itim na Poong Hesus Nazareno na sundan ang halimbawa ni Hesukristo araw-araw.

Sa 2PM mass na ginanap sa Quiapo Church ngayong araw, kasabay ng kapistahan ng Itim na Nazareno, binigyang-diin ni Fr. San Diego na ang pananampalataya sa Diyos ay hindi lamang umiikot sa debosyon at mga panata.

Aniya, kalakip nito ang pagsunod sa turo ng Diyos, at sa halimbawa ni Hesukristo noong siya ay nabubuhay pa sa mundo.

Paliwanag ni Fr. San Diego na kung ano ang itinuturo ng Diyos ay siya rin sanang panindigan ng bawat deboto, at gawin o isabuhay araw-araw. Aniya, hindi lang dapat ang personal na kagustuhan ang sundin kundi isa-alang alang din ang mga tagubilin ng Diyos, kahit pa maisakripisyo ang personal na kagustuhan.

Inihalimbawa ng pari ang ginawa ni Hesus Nazareno na maluwag sa kaloobang sinunod ang kagustuhan ng Diyos kahit pa ito ay kapalit ng kaniyang buhay.

Giit ni Fr. San Diego, ang pagiging deboto sa Itim na Nazareno ay kalakip ng pagsasakripisyo at pagsunod sa kalooban ng Diyos.

Dagdag pa ni Fr. San Diego na ang ilan sa pinakamalaking problemang kinakaharap ng mga mananampalataya ay ang pagiging pasaway.

Sa halip aniya na sumunod sa kagustuhan ng Diyos ay sinusuway pa ito, sa halip na pasakop sa kaniyang kagustuhan ay nagiging makasarili, at sa halip na magpatawad ay pinipili ang galit.