Isinailalim sa lockdown ang Minor Basilica of the Black Nazarene o mas kilala bilang Quiapo Church sa lungsod ng Maynila matapos magpositibo sa coronavirus ang isang pari roon.
Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Quiapo Church, sasailalim sa disinfection ang buong simbahan.
Tatagal din aniya hanggang susunod na linggo ang lockdown sa simbahan, ngunit wala pa raw eksaktong petsa kung kailan ito babawiin.
Habang matatapos naman daw sa Hulyo 4 ang kanilang quarantine.
Nasa 80 empleyado ang sinabihan na sumailalim sa quarantine kahit na nagnegatibo ang lahat sa rapid antibody test.
Sinabi naman ni Badong na nakarekober na raw ang paring dinapuan ng COVID-19.
Samantala, bagama’t sarado ang Quiapo Church, magsasagawa pa rin naman daw sila ng misa at maaring dumalo ang mga mananampalataya ngunit mananatili lamang sila sa labas ng simbahan.