-- Advertisements --

Patuloy ang puspusang paghahanda ng Quiapo Church, Manila Local Government Unit at lokal at national na mga ahensya ng gobyerno para sa Traslacion 2025 na gaganapin sa Enero 9.

Nagbigay paalala ang Quiapo Church patungkol sa mga mangyayaring mga aktibidad bago at sa mismong araw ng Traslacion. Katulad ng pahalik sa Quirino Grandstand na magsisimula ng Enero 7 hanggang Enero 9 nang madaling araw. Susundan naman ito ng mismong Traslacion sa araw ng Enero 9.

Kaugnay nito, hinimok ng Quiapo Church at Manila Local Government Unit ang publiko na sa gaganaping Pahalik o Pagpupugay ay huwag ng derechong humalik sa imahen bagkus ay gumamit na lamang ng panyo para ipunas at doon halikan. Binigyang-diin din nila na sana ngayong taon ay maiwasan na ang pagsampa sa andas upang makapunas para hindi na rin ito makaapekto sa daloy ng prusisyon o maging dahilan ng pagkasira ng andas.

Kaugnay pa nito, nagbigay ang naturang simbahan ng listahan ng mga bagay na maaari lamang dalhin at gawin sa naturang Traslacion gayundin ang mga bagay na mga ipinagbabawal. Ayon sa Quiapo Church ang bubuksan lamang nilang daan papasok ng simbahan ay ang nasa bandang Quinta Market o Carlos Palanca St at kung mayroon namang dalang mga bag ay iba ang magiging daanan dahil kailangan nilang dumaan sa security measures.

Samantala, ayon naman kay Manila Mayor Honey Lacuna, inaasahan pa rin ang parehas na bilang ng mga deboto, na nasa mahigit 2.6M ang dadalo ng Traslacion 2025. Dagdag pa niya na magkakaroon ng liquor ban sa sakop lamang ng Quiapo, Manila mula Enero 8 hanggang 10. Ang Philippine National Police rin ay ipinahayag na magkakaroon din ng gun ban mula Enero 8 hanggang 11.

Nagpahayag rin ng suporta ang mga local at national na mga ahensya ng gobyerno at mga non-government organization sa pagtulong sa pagpapanatili ng kaayusan para sa naturang Traslacion 2025.