-- Advertisements --

Naglabas ang Quiapo Church ng mga paalala para sa mga deboto sa kung ano ang pinapayagan at ipinagbabawal sa pagsasagawa ng nalalapit na Traslacion sa Enero 9, 2024.

Isa sa mga aktibidad sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno, ang Traslacion ay isang prusisyon mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church ng 400 taong gulang na itim na imahen ni Hesukristo.

Ang tradisyunal na Traslacion ay hindi ginanap sa nakalipas na tatlong taon dahil sa pandemya ng COVID-19.

Sa pagbabalik ng tradisyunal na prusisyon, pinaalalahanan ng Quiapo Church ang mga kalahok na obserbahan ang mga dapat at ipinagbabawal na mga gawain.

Ipinagbawal ng mga organizer na ang mga deboto na umakyat sa andas o sa karwahe upang maiwasan ang pagharang sa tanawin ng imahe ng Itim na Nazareno.

Pinayuhan din ng Quiapo Church ang mga deboto na huwag magdala ng maraming gamit o malalaking bag.

Pinapayuhan ang mga bata at may mga karamdaman na manatili lamang sa gilid ng mga lansangan upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Sa ngayon, wala pang nababantayang seryosong banta ang Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya para sa naturang taunang kaganapan.