Pinag-iisipan ng mga opisyal ng Quiapo Church na ilagay ang imahe ng Itim na Nazareno sa loob ng isang glass box para sa kapistahan at prusisyon ng Traslacion 2024 sa Enero 9.
Una nang itinigil ang Traslacion mula 2021 hanggang 2023 dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa mga opisyal ng simbahan, layunin ng glass box na panatilihing ligtas ang Itim na Nazareno sa panahon ng kaganapan, kung saan inaasahang dadalo ang milyun-milyong mga deboto.
Sa tema na “Ibig naming makita si Hesus,” isang bahagi ng krus ang maiiwan na nakausli sa glass box para sa mga deboto na gustong hawakan ito.
Sinabi rin ng simbahan na layon nitong protektahan ang imahe ng Itim na Nazareno mula sa kaguluhan na karaniwang katangian ng prusisyon ng mga deboto.
Isasagawa din ang tradisyonal na “Pahaplos,” kung saan pinupunasan ng mga deboto ang imahen gamit ang kanilang mga hand towel at damit.
Kaugnay nito pinayuhan ng simbahan ang mga deboto na iwasan ang pagtulak at pag-akyat sa likod ng iba pang mga deboto para lamang marating o maabot ang Itim na Nazareno, gayundin na makaiwas sa mga aksidente sa gaganaping prusisyon.