Nagkasundo ang PNP at ang mga opisyal ng Quiapo church na ipasara ang simbahan at isuspinde ang misa sa pagdiriwang ng kapistahan ng Poong Nazareno sa January 9, 2021 kapag nilabag ng mga deboto ang ang quarantine protocol dahil pa rin sa COVID-19 pandemic.
Suspendido ngayong taon ang Traslacion dahil sa banta pa rin ng COVID.
Ayon kay PNP chief P/Gen. Debold Sinas, bagama’t kanselado ang ilang aktibidad para sa taong ito partikular na ang prusisyon ng Itim na Nazareno bilang pag-iingat sa COVID 19, sinabi ni Sinas na tinututukan nila ang dagsa ng mga magsisimba sa mismong araw ng Traslacion.
Istrikto aniya nilang ipinatutupad ang physical distancing sa loob at labas ng simbahan.
“We are looking on worst case scenario na yung tao sisiksik sa loob kasi makita mo naman kapag pumunta ka ng Quiapo meron mga nilalagay na mga designated areas saan ang labasan at pasukan at yung seating capacity, so far sinusunod naman,” wika ni Sinas.
Ayon naman kay Joint Task Force Covid Shield commander Lt Gen. Cesar Hawthorne Binag, may mga gagawing localized mass sa ibang simbahan at simultaneous ito sa Quiapo church sa araw ng Pista ng Itim na Nazareno.
Ang mga nasabing simbahan ay ang San Sebastian Basilica, Sta Cruz church at ang Nazarene Catholic School Gymnasium.
Sinabi ni Binag, ang nabanggit na apat na lugar kung saan maaaring magmisa ang mga deboto.
Magsisimula ang misa ng alas-4:00 ng madaling araw.
Siniguro ni Binag, in place na ang security measures para sa pista ng Itim na Nazareno.