-- Advertisements --

Iprinisenta na ngayong araw (September 9) ng Department of Interior ang Local Government(DILG) si Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy, kasama ang mga kapwa akusado na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada, Cresente Canada, at Sylvia Cemanes, kasunod na rin ng tuluyan nilang pagsuko kahapon, September 8.

Si Quiboloy at ang apat na kasama niyang sumuko ay humarap sa media kasabay ng isinagawang press conference ngayong araw sa pangunguna ni DILG Sec. Benhur Abalos Jr.

Inabot lamang ng kulang-kulang isang minuto ang presentasyon sa grupo ni Quiboloy at hindi na sila hinayaang matanong pa ng mga kagawad ng media, bagkus ibinalik din sa isang kwarto matapos ang halos isang minutong exposure.

Sa naturang presentasyon, parang nakasuot ng orange detainee shirt ang mga akusado ngunit apat sa kanila kabilang si Quiboloy, ay may suot na itim na jacket.

Hindi rin gaanong mabakas ang mukha ng kontrobersyal na pastor dahil nakasuot ito ng itim na sunglass habang suot pa rin nito ang black cap na may markang agila, ang parehong sumbrero na suot niya noong lumutang siya kahapon.