Ibinunyag ni Pastor Apollo Quiboloy sa inilabas nitong voice message na hindi siya magpapahuli ng buhay. Naghamon pa ang pinaghahahanap na pastor na barilin na lang umano siya kung siya’y huhulihin ng mga awtoridad.
Pinabulaanan din nito ang mga kasong inihain laban sa kaniya rito sa Pilipinas at sa US na pawang kasinungalingan lang daw.
Gayunpaman, handa raw siyang harapin ang mga kasong ito rito sa Pilipinas basta hindi raw mangingialam ang mga Americano.
Inakusahan din ni Quiboloy na nakipagsabwatan daw ang rehimeng Marcos sa mga Amerikano. Hawak na rin daw nito ang leeg ng ating bansa.
“Tandaan po ninyo, ako’y mamamatay with honor. Tatayo ako para sa mga ginipit, kinunan ng katarungan, kinunan ng hustisya sa bansang ito. Dito tutulo ang aking dugo. Dito ako mamamatay. Bahala na basta Pilipino ang papatay sa akin. Okay sa akin ‘yon,” saad ni Quiboloy.