Binuweltahan ni Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy ang Estados Unidos hinggil sa mga umano’y alegasyong ipinupukol nito laban sa kaniya.
Sa isang pahayag, sinabi ni Pastor Quiboloy na naging “one-sided” ang Estados Unidos ukol sa nasabing isyu.
Ito ang tugon ni Quiboloy kasunod ng inilabas na statement ng United States Embassy in Manila kung saan nagpahayag ito ng kumpiyansang mapapanagot ang self-proclaimed son of God sa lahat ng mga karumaldumal na krimen na kinasasangkutan nito.
Sa naturang pahayag ay diretsahang sinabi ni Quiboloy ang kaniyang mensahe para kay US Embassy spokesperson Kanishka Gangopadhyay kung saan binigyang-diin niya ang mga katagang “The accused is presumed innocent until proven guilty in competent court of law”.
Punto ni Quiboloy, ito ang nakasalig justice system ng Pilipinas na hango rin aniya sa batas ng Estados Unidos na tila hindi aniya tumutugma sa naging pahayag ng tagapasalita ng US Embassy in Manila.
Kung maaalala, una nang inakusahan ni Quiboloy ang Estados Unidos na pinaplano umano nitong dispatsahin siya katuwang ang ilang matataas na opisyal ng ating pamahalaan.
Matatandaan din na siya ay nahaharap sa patong-patong na mga kasong may kaugnayan sa sexual abuse sa ilang kasapi ng kanilang religious group kabilang na ang ilang mga biktimang pawang mga menor de edad. (With reports from Bombo Marlene Padiernos)