Kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ngayong Martes na isinugod sa ospital ang nakadetineng si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy noong araw ng Sabado.
Ayon kay BJMP spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera, dinala si Quiboloy sa Rizal Medical Center (RMC) ng BJMP-Pasig City Jail Male Dormitory bandang alas-5 ng hapon noong Sabado matapos siyang dumaing na nahihirapan siyang huminga.
Inirekomenda naman ng BJMP Physician na dalhin siya sa pinakamalapit na government hospital para sa kaukulang medical intervention.
Ayon sa BJMP official, inirtekomenda ng attending physician na ma-confine sa ospital si Quiboloy at na-diagnose na may community acquired pneumonia.
Pagtitiyak naman ng opsiyal na nananatiling nasa ilalim ng kustodiya ng BJMP si Quiboloy at hinigpitana ng seguridad sa lugar habang naka-confine ito sa ospital.
Kung maaalala, kasalukuyang nahaharap si Quiboloy sa patung-patong na kaso kabilang ang non-bailable qualified human trafficking, child at sexual abuse.