Naghahanda ngayon si Sen. Manny Pacquiao ng kasong isasampa laban sa kaibigan at spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Kingdom of Jesus Christ church founder Pastor Apollo Quiboloy.
Nag-ugat ito sa pagkwestyon umano ni Quiboloy sa aniya’y overpriced na proyekto ni Pacquiao sa Sarangani.
Sabi ni Quiboloy, P3.5 billion daw ang pagpapagawa ng mambabatas sa Sarangani Sports Complex, ngunit hindi naman napakinabangan.
Pero buwelta ng senador, P300 million hanggang P500 million ang halaga noon at naitayo yun noong 1996, o 14 na taon pa bago siya naging mambabatas.
Sa pagkakaalam daw ni Pacquiao, proyekto ng ibang senador na malapit kay Pangulong Duterte ang sports facility na nagkakahalaga ng P3.5 billion at doon ito sa lalawigan ng Bataan.
“Ito si Quiboloy po… gumagawa ng issue na di niya alam. Dapat di siya nakikialam sa gobyerno. Magpokus na lang po siya para doon sa pag-evangelize sa kanyang mga disipulong naniniwala sa kanya,” wika ni Pacquiao.
Hindi pa naman sinabi ng senador kung anong kaso ang isasampa niya laban sa pastor.