Binigyang-diin ni Atty Israelito Torreon na hindi na kailangang dumalo ni Kingdom of Jesus Christ Founder Apollo Quiboloy sa pagdinig ng Senado.
Ayon kay Torreon, nasa korte na ang kaso ni Quiboloy at hindi na niya kailangan pang magpaliwanag pa sa Senado dahil malalabag na ang kaniyang karapatan laban sa ‘self incrimination’.
Una na ring naghain ng mosyon ang kampo ni Quiboloy laban sa plano ng Senado na padaluhin ang kontrobersyal na pastor sa isasagawang pagdinig.
Ayon kay Torreon, dahil dinidinig na sa korte ang mga kaso ni Quiboloy, may karapatan aniya ito upang tanggihan ang paanyaya ng Senado.
Giit ng abogado, ang korte ang may akmang otoridad para dinggin ang mga kaso at alegasyon laban kay Quiboloy, at dito rin magpapaliwanag ang kaniyang legal team.
Itinakda ng Senado ang pagdinig sa mga alegasyon laban sa KOJC leader sa Oktubre 23, 2024.
Ang naturang pagdinig ay pangungunahan ng Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, ang parehong komite na dumidinig sa umano’y malawakang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa at iniuugnay kay dating Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac.
Una nang sumulat si Committee chair Sen. Risa Hontiveros sa korte upang hilingin ang pagpayag nitong makadalo si Quiboloy.