Tatakbo ang nakakulong na si KOJC founder pastor Apollo Quiboloy bilang independent candidate sa pagka-Senador sa 2025 midterm elections.
Ito ay matapos niyang i-revoke ang kaniyang kwestiyonableng acceptance of nomination sa ilalim ng Workers’ and Peasants’ party (WPP) dahil ayaw umano niyang madawit sa intra-party dispute ng partido base sa liham niya na naka-address sa Comelec na inihain ni Atty. Mark Tolentino nitong Lunes.
Ikinalugod naman ng presidente ng WPP at Senatorial candidate na si Sonny Matula ang naturang development pero nilinaw niyang walang paksiyon sa loob ng kanilang partido. Ang pahayag aniya ni Quiboloy na may alitan sa partido ay walang batayan at produkto lang ng kanilang malikot na pampulitikang imahinasyon.
Matatandaan na nauna ng naghain ng petisyon si Matula para kanselahin ang kandidatura ni Quiboloy sa ilalim ng kanilang partido dahil sa material misrepresentation dahil hindi umano awtorisadong tao ang naghain ng kaniyang CONA at dapat aniyang ideklara bilang nuisance candidate at idiskwalipika sa Senatorial race.
Samantala, sa panig ng Comelec, sinabi ni chairman George Erwin Garcia na hindi makakaapekto ang pagtanggal ng nomination kay Quiboloy sa determination ng poll body sa partial list ng 66 na posibleng lehitimong kandidato para sa Senatorial race kung saan kabilang nga si Quiboloy, maliban na lang umano kung may maghain ng petisyon laban sa pastor.