Patuloy na nadadagdagan ang mga lumalapit sa Philippine National Police (PNP) na nasa 12-13 taong gulang na mga batang babae na di umano’y biktima ni Pastor Apollo Quiboloy para ibinunyag kung paano sila minolestiya ng pastor.
Sa pulong balitaan sa kampo krame, inihayag ni PNP Spokesperon PCol. Jean Fajardo na batay sa salaysay ng mga biktima, inihahanda umano sila o may preparations bago sila papapasukin sa kwarto ni Quiboloy.
Pinipili rin ang scent o pabango na gagamitin nila, may mga nakaschedule rin umano sa kanila kada araw para makipagtalik sa pastor. Pagkatapos umano silang gamitin ni Quiboloy ay sinasabihan silang “pure” pa rin sila o intact pa rin ang pagkababae nila dahil ispirito ng Diyos ang nakipagtalik sa kanila.
Tinakot din umano ni Quiboloy ang mga biktima na sa oras na magsumbong sila ay hahabulin sila ng anila’y “Angels of death”
Ayon pa sa mga biktima, alam ng mga magulang nila na miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang pang-aabuso sa kanila ng pastor.
Pagtitiyak ng pambansang pulisya, mananagot ang mga magulang o miyembro ng KOJC na mapapatunayang inialay ang kanilang mga menor de edad na anak para makipagtalik kay Pastor Apollo Quiboloy.
Sa salaysay kase ng mga biktima na lumapit sa pulisya, ang alay o pagpayag ng kanilang magulang ay sinasabing “passes to heaven” dahil ito ay pagsisilbi raw sa Diyos.
Samantala, sa panig naman ng legal counsel ni Quiboloy, inihayag ni Atty. Mark Tolentino, na planted lang daw ang mga nagsisilitawang biktima ng pastor.
Sa pagkakakilala niya raw kay Quiboloy, hindi nito magagawa ang mga alegasyon sa kaniya, “Kilala ko si pastor hindi lang bilang abogado kundi bilang kaibigan, mabait si pastor, very humble.“ ani Tolentino.