-- Advertisements --

Sinilip ng senior vice chair ng House Committee on Appropriations ang posibleng overpricing sa ginawang pagbili ng COVID-19 test kits ng Department of Health (DOH) sa pamamagitan ng Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pagdinig ng komite napuna ni Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo ang pagkakaiba-iba ng presyo ng biniling COVID-19 test kits gamit ang pondo na inilipat ng DOH sa PS-DBM na may kabuuang halagang P47.6 bilyon.

Ipinaliwanag naman ni DOH Secretary Teodoro “Ted” Herbosa, na nagsilbing special adviser ng National Task Force Against COVID-19 ng nakaraang administrasyon, na nagbabago-bago ang presyo na sinang-ayunan naman ni dating Health Secretary Francisco Duque.

Sinabi ni Quimbo na inisa-isa ng komite ang mga isyu kaugnay ng ginawang paggastos sa P47.6 bilyong pondo noong kasagsagan ng pandemya.

Hindi nakapagbigay si Duque ng direktang sagot sa timeline at sinabi na ang transaksyon ay ginawa ng PS-DBM na siyang direktang nakipag-usap sa mga supplier.

Sa kasagsagan ng pandemya , ipinasa ng DOH sa PS-DBM ang pondo nito para bumili ng mga COVID-19 test kits at iba pang pangangailangan. Hiwa-hiwalay ang ginawang pagbili ng PS-DBM kaya natanong kung bakit hindi nito pinagsama-sama ang bibilhin para nakakuha ng mas magandang presyo.

Kinuwestyon din ni Quimbo kung magkano ang bili sa mga test kits at magkano ang presyo nito noon sa pandaigdigang pamilihan.

Sinabi naman ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin na naiwasan sana ang kontrobersya kung hindi inilipat ng DOH sa PS-DBM ang pondo nito.

Tinuligsa rin ni Garin, isang dating DOH Secretary, ang kawalan ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DOH at PS-DBM kaugnay ng pagbili ng mga COVID-19 supplies.

Iginiit ni Garin ang kahalagahan ng MOA para magkaroon ng transparency at accountability sa pondo ng gobyerno.
Dagdag pa nito na hindi tayo bumibili ng ballpen, papel at erasers dahil ang binibili natin ay mga devices, commodities at medical supplies.