KALIBO, Aklan — Binaha ang iba’t-ibang lugar sa lalawigan ng Aklan lalo na sa bayan ng Kalibo matapos ang tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan simula nitong araw ng Linggo.
Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) officer Galo Ibardolasa na Sabado pa lamang ay pinaghanda na niya ang 17 pamunuan ng MDRRMO sa lalawigan.
Nakaranas ng hanggang gutter-level na tubig baha ang mga residente, sasakyan at motorsiklo sa ilang kalye sa bayan ng Kalibo dahilan na medyu pahirapan ang kanilang pagdaan.
Maliban dito, tumaas din ng bahagya ang lebel ng tubig sa Aklan River kaya inalerto ng mga opisyal ng barangay ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog.
Dagdag pa ni Ibardolasa na ilang residente sa bayan ng Banga ang inilikas sa kanilang tahanan.
Nakatala rin sila ng ilang mga maliliit na pagguho ng lupa.
Samantala, pansamantalang kinansela ang biyahe ng mga motorbanca papuntang isla ng Boracay gayundin ang mga RoRo vessel patungong Mindoro.
Ang lalawigan ng Aklan ay nananatiling nasa ilalim ng tropical cyclone warning signal no. 1.
Sinabi pa ni Ibardolasa na maaaring hanggang bukas pa magtagal ang ganitong kondisyon ng panahon kaya pinayuhan ang mga residenteng apektado na maging handa.