LEGAZPI CITY- Nakahanda na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol sa pamamahagi ng relief goods sa mga posibleng maapektuhan ng bagyong Quinta na pingangambahang tumama sa rehiyon sa mga susunod na oras.
Ayon kay DSWD Bicol Dir. Arnel Garcia sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, naka-stand by na ang nasa 14,678 family food packs na nagkakahalaga ng higit P5.3 million ang handang ipamahagi sa mga residente na una nang lumikas dahil sa banta ng baha at paguho ng lupa.
Maliban dito ay nasa P26.4 million na halaga ng non-food items pa ang available sa opisina ng DSWD.
Kabilang sa mga ito ang nasa 5,000 sleeping kits, 1,000 sets ng hygiene kits, 34,000 na malongs, 21,000 na mga kumot, laminated sacks, tent, at kitchen utensils.
Samantala, nabatid na mayroon ding P3 million na standby fund ang ahensya para sa karagdagang augmentation support sa mga local government units.
Dagdag pa ni Garcia na naka-activate na rin ang provincial advisory team sa anim na lalawigan sa rehiyon na handang makipag-ugnayan sa mga Municipal Disaster Risk Reduction Offices.