-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Naniniwala ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) na bahagi nang banta sa press freedom at isang legal gymnastics upang patahimikin ang media ang ginawang pag-file ni Solicitor General Jose Calida ng quo warranto petition sa Korte Suprema upang i-revoke ang franchise ng ABS-CBN.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay NUJP chairman Nonoy Espina, sinabi nito na desidido talaga ang gobyerno na ipasara ang nasabing network kaya’t nag-file ng quo warranto petition si Calida kahit pa na paglabag ito sa kapangyarihan ng Kongreso.

Ayon kay Espina, posibleng natatakot lamang ang gobyerno na ipasa ng Kongreso ang renewal ng franchise ng nasabing network kaya’t gumawa na sila ng hakbang upang ito ay pigilin.

Ngunit nilinaw ng pinuno ng NUJP na “abuse of authority” at “abuse of separation of power” ang ginawa ni Calida.

Dagdag pa nito na hindi lamang ang nasabing network ang target nito kundi ang lahat na nasa Fourth Estate.

Aniya, posibleng matakot ang ibang media na kalabanin ang administrasyon dahil posibleng sila naman ang sunod na ipasara.