CAGAYAN DE ORO CITY – Naniniwala ang ilang mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso na basuran ang patutunguhan ng quo warranto petition na inihain ng alyado ni President Rodrigo Duterte na si Solicitor General Jose Calida laban sa franchise renewal ng TV network ABS-CBN.
Ito ay matapos ikinadismaya ng mga mambabatas ang tila pang-aagaw trabaho ni Calida sa Kamara ukol sa usapin ng franchise issuances na hiniling ng interested parties.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na alam naman ni Calida na tanging nagmula lamang sa Kongreso ang kapangyarihan pagdating sa pagbibigay prangkisa para sa mga kompaniya ng komunikasyon.
Inihayag ni Rodriguez na isusulong pa rin nila sa House committee on franchises na matalakay na ang usapin upang makagawa ng hakbang kaugnay rito.
Nababahala kasi ang mambabatas na tuluyang mawalan ng prangkisa ang TV network at nangangahulugan na matatanggal rin sa trabaho ang nasa 11,000 na trabahante ng kompaniya.
Una nang umani ng kaliwa’t kanan na pagbatikos ang ginawa ni Calida na pagsisikap na kumbinsihin ang Korte Suprema na null and void ang hawak na prangkisa ng ABS-CBN Corporation.