Naniniwala si House Deputy Speaker Johnny Pimentel na posibleng magkaroon ng “chilling effect” hindi lamang sa mga media entities kundi maging sa mga kongresista suportado ang franchise renewal ng ABS-CBN.
Ito ay matapos na maghain ng quo warranto petition sa Supreme Court ang Office of the Solicitor General (OSG) para ireklamo ang mga naging paglabag ng naturang media giant.
Ayon kay Pimentel, ang naging hakbang ng OSG ay maaring magresulta sa hindi na pagsalita at pagsuporta ng mga kongresista sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Inihalimbawa ng kongresista ang naging kapalaran ni Maria Lourdes Sereno na napatalsik bilang chief justice ng Korte Suprema noong 2018 matapos na maghain ng quo warranto petition ang OSG laban dito.
Si Pimentel ay isa sa mga principal authors ng House Resolution 639 na inihain noong Enero na humihiling sa House committee on legislative franchises na iakyat na sa plenaryo ng Kamara ang consolidated version ng walong pending bills para sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Sa Senado, hangad ng ilang senador na maisalang na sa hearing ng Kamara ang isyu ng prangkisa ng ABS-CBN para marinig na ang mga panig na bahagi ng usapin.
Dito kasi inaasahang lilitaw ang mga sanhi ng reklamo laban sa naturang media company, pati na ang argumento ng mga pabor para magpatuloy ang pag-iral nito.
Para kay Sen. Grace Poe, kailangang maaksyunan na ito para na rin malaman na ang magiging kapalaran ng mga maaapektuhan.
“Para sa akin bilang chairman ng Committee on Public Services, nagbibigay ako ng paggalang sa Mababang Kapulungan na dinigin nila ‘yan sapagkat dapat nag-uumpisa sa kanila pero dahil malapit na nga ang expiration baka mawalan naman ako ng prerogatiba kundi didinggin na lang ‘yan kaagad para at least mabigyan ng pagkakataon, hindi lamang ang mga empleyado ng ABS-CBN, kundi yung mga nagrereklamo laban sa ABS-CBN na ilabas nila ang kanilang mga saloobin at ang kanilang mga pruweba,” wika ni Poe.
Para naman kay Sen. Risa Hontiveros, isang paglabag sa diwa ng demokrasya ang pagpapasara sa media networksa pamamagitan ng quo warranto petition.
“It should be clear to any government in a modern democracy that the free press is not our enemy. Ang media ay hindi kalaban. It is in this light that I see the Solicitor-General’s quo warranto petition against ABS-CBN as an attack on the free press and a vindictive move against critical journalism,” pahayag ni Hontiveros.
Sa panig naman ni Sen. Panfilo Lacson, malaya si Solicitor General Jose Calida na humiling ng quo warranto laban sa ABS-CBN, pero hindi rin naman mapipigilan ang kapangyarihan ng Kongreso kung gustong aprubahan ang nasabing franchise.
“Solicitor General Jose Calida cannot be prevented from filing the petition in the case of the legislative franchise of ABS-CBN. Likewise, Congress is likewise not prevented from exercising its powers under the same Constitution to act on the application for renewal or a new franchise which is now pending before the House of Representatives,” wika ni Lacson.
Una rito sa statement ng TV network, iginiit nito na walang basehan ang mga alegasyon ng Office of the Solicitor General.
“Sumusunod ang ABS-CBN sa mga batas kaugnay ng aming prangkisa at aprubado ang operasyon namin ng mga kaukulang sangay ng gobyerno. Aprubado, may permiso ng gobyerno, at hindi labag sa franchise ang lahat ng mga serbisyo namin sa broadcast, kasama na ang KBO. Masusing sinuri at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission at Philippine Stock Exchange ang Philippine Deposit Receipts o PDRs ng ABS-CBN Holdings bago ito inialok sa publiko.”
Inihayag naman ni House Committee on Constitutional Amendments chairman Rufus Rodriguez na “unconstitutional encroachment” ang ginawa ng OSG sa exclusive power ng Kongreso sa pagbibigay ng legislative franchises.
Malinaw aniyang pagpuntirya ito sa press freedom at paglabag na rin sa separation of powers sa pagitan nang tatlong sangay ng pamahalaan.
“The executive, through the OSG, is now encroaching the power regarding the franchise by trying to cancel it to with the courts. That cannot be done because the Constitution says repeal and amendment of franchises belongs to the Congress,” giit pa ni Rodriguez.
Sa halip na naghain ng quo warranto petition, naniniwala si Rodriguez na ang dapat na ginawa ng OSG ay inireklamo na lamang sa Kamara ang mga tinukoy nitong paglabag ng ABS-CBN gayong may nakahain na rin namang 11 panukala para sa franchise renewal ng media entity.
Umaapela naman nang pagkakaisa sa mga kapwa niya mambabatas si Rodriguez usapin na ito at iginiit na huwag magpadala sa naging hakbang ng OSG.
Inihirit naman ni House Committee on Ways and Means Joey Salceda na dapat kumilos na ang Kongreso at simulan nang dinggin ang prankisa ng ABS-CBN.
“The independence of Congress is definitely at stake. That [complaint] shoud be submitted to the committee and we should invite the OSG as resource person for the consideration of that bills,” wika pa ni Salceda.