Itinuturing na “welcome development” ni House Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales ang paghahain ng quo warranto petition ng Office of the Solicitor General (OSG) laban sa ABS-CBN.
Ayon kay Gonzales, kapaki-pakinabang sa Kamara ang naging hakbang ng OSG dahil anuman ang magiging desisyon dito ng Korte Suprema ay makakatulong sa deliberasyon sa franchise renewal application ng media giant.
Naniniwala si Gonzales na higit na mapagbubuti ang proseso sa pagbalangkas ng panukalang batas na magbubunsod sa isang prangkisang umaayon sa Saligang Batas.
Sa ngayon, nakabinbin pa rin sa House Committee on Legislative Franchises ang 11 panukala para sa franchise renewal application ng ABS-CBN.
Mayroon na lamang ang Kongreso nang hanggang Marso 11, 2020 para aprubahan ang mga ito bago ang kanilang recess at bago mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN sa kaparehong buwan.