-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makakatulong ang Philippines-Japan Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagpapanatili ng ligtas at mapayapang Asia-Pacific region.

Inilabas ng DFA ang naturang pahayag matapos aprubahan ng Senado ang ratipikasyon ng RAA noong Lunes na layuning mapalakas pa ang defense cooperation ng 2 bansa.

Sinabi din ng DFA na ang aksiyong ito ay magpapalakas pa lalo sa ating strategic partnership sa Japan.

Mapapahusay din aniya ng RAA ang kasalukuyang malakas na security cooperation sa pagitan ng PH at Japan sa gitna ng tumataas na complex regional security environment.

Isa din aniyang istratehikong framework ang naturang kasunduan para mapahusay pa ang kakayahang pangdepensa ng ating bansa, pagsusulong ng stability sa rehiyon at pagpapalakas pa ng ating posisyon sa nagpapatuloy na maritime disputes.

Inihayag din ng DFA na ang RAA ay isang natural na progreso sa kooperasyon sa pagitan ng Philippine Armed Forces at Japan Self-Defense Force mula sa Humanitarian Assistance and Disaster Relief activities, tungo sa ibang mga aspeto ng capability at capacity-building.

Matatandaan, nilagdaan nina Philippine Defense Secretary Gilberto Teodoro at Japanese Foreign Minister Yoko Kamikawa ang RAA noong July 8, 2024 na sinaksihan din ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Niratipikahan naman ni Pangulong Marcos Jr. ang RAA noong Nobiyembre 24 at isinumite sa Senado para sa pag-apruba ng kasunduan alinsunod sa Konstitusyon.

Inaprubahan naman ng Senado ang ratipikasyon ng RAA noong Lunes, Dec. 16 kung saan 19 na Senador ang bumoto ng pabor.