LAOAG CITY – Idineklara ang rabies outbreak dito sa lalawigan ng Ilcoos Norte dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng mga asong nagpopositibo ng rabies.
Ayon kay Dr. Loida Valenzuela, ang provincial veterinarian, sa ngayon ay mayroong 53 na barangay na apektado ng rabies kung saan karamihan ay sa lungsod ng Batac at sa bayan ng Paoay.
Sinabi pa nito may isang aso na kumagat sa isang baka at mga maliliit na tupa mula sa isang bayan dito sa Ilocos Norte at hindi na naeksamin ang samples ng mga ito dahil agad na inilibing ang mga ito.
Base pay sa impormasyon, mayroon umanong anim na indibiduwal ang namatay dahil sa rabies kung saan ang pinakahuli ay naitala sa bayan ng Badoc.
Hinggil dito, sinabi ng provincial veterinarian na ang pagdedeklara ng outbreak sa lalawigan ay para mahikayat pa ang mga local government officials na gumawang ng hakbang para tulungan ang provincial government na solusyonan ang problema sa rabies.
Samantala, sinabi nito na patuloy naman ang kanilang isinasagawang pagbakua sa halos 66,000 na aso sa lalawigan.