-- Advertisements --

Ikinokonsidera ni Rabiya Mateo ang pagiging “crossover” beauty queen o yaong mula sa pagiging kinatawan ng bansa sa Miss Universe, ay susubok naman ng kapalaran niya sa ibang national beauty pageant.

Rabiya national costume

Pahayag ito ni Rabiya kasunod ng pag-amin na matapos ang kanyang kabiguan sa Miss Universe 2020, ay nabasa nito ang nag-trending na kantyaw na “Rabiya for the world.”

Ayon sa 24-year-old half Indian beauty na tubong Iloilo, mga dalawang taon pa siguro bago siya sasabak sa Miss World Philippines sabay biro na hindi pa nga magaling ang paltos sa kanyang paa.

“I was making jokes na, ‘Hindi pa nga okay ‘yung paltos ko sa paa, gusto niyo na naman akong sumali!'” saad nito sa panayam pa rin ng King of Talk na si Boy Abunda. “Let’s give it two years siguro. Let’s see. I’m not closing any door… who knows?”

Kung maaalala, ininda ni Rabiya sa national costume show ang duguan na raw niyang stockings habang inirarampa ang outfit na hango sa bandila ng Pilipinas na tinernuhan pa ng mataas na high heels.

Sa ngayon aniya ay ninanamnam muna niya ang bakasyon sa Amerika na aniya’y “best time” ng kanyang buhay dahil relax o wala nang pressure kasabay ng paghahanap sa Indian na ama.

Sa susunod na buwan nito target umuwi sa Pilipinas partikular sa hometown sa Iloilo, kung saan isa sa prayoridad nito ay ang ayusin ang naging komplikadong relasyon nila ng long time non showbiz boyfriend.