Alam umano ni Miss Universe Philippines Rabiya Mateo ang karaniwang inaabangan ng mga beauty pageant fanatics na mga “pasabog” sa bawat araw, bago pa man ang coronation night.
Ayon sa 24-year-old half Indian beauty na tubong Iloilo, ganoon din siya noong fan pa lamang pero nag-iba ngayong kinatawan siya ng Pilipinas sa 69th edition ng Miss Universe.
Napagtanto ni Mateo na mas kailangang paghandaan kung paano mapapanatili ang sigla sa kasagsagan ng pageant partikular sa mga kompetisyon na binibigyan ng score ng judges.
Una nang naiulat na nasa 100 Filipino designers ang nagsanib puwersa para sa araw-araw na OOTD (outfit of the day) ni Rabiya mula pa lamang sa Los Angeles, at ngayon nga ay nakarating na sa Florida kung saan naroon ang hotel venue ng prestihiyosong pageant.
Ang pinakabago nitong inirampa ay ang kulay pula na leather Grecian toga na binansagan bilang “glamazon” creation na inihalintulad ng ilan kay Wonder Woman, at sa Roman goddess na si Athena.
Sinasabing ang Miss Chile ay mayroong baon na 70 OOTD, 150 wardrobe naman ang Miss Thailand , at 200 sa Miss Vietnam, sa loob ng 10-day schedule.
Sa darating na May 17 (Manila time), tatangkain ni Rabiya na maibigay sa bansa ang panglimang korona ng Miss Universe.
Baon nito ang pananaw na ang pagkakaroon ng tamang mindset ay siyang magiging kaibahan niya sa mahigit 70 katunggali.
“You really need to contain your energy and to put that at the right place. Sa scored competitions, in scored events, just pour your heart out, just excel and you will do well. Again, having the right mindset will separate you from the rest,” wika ng pambato ng Pilipinas.