Nagbigay ng emosyonal na tribute si Rachel Alejandro para sa ama, ang OPM icon na si Hajji Alejandro, na pumanaw noong Martes, Abril 22, sa edad na 70.
Sa isang Facebook post, inilarawan ni Rachel ang kanyang ama bilang “araw” ng kanilang pamilya, na patuloy nilang iniikutan dahil sa kanyang init at liwanag.
Ikinuwento pa niya ang mga alaala ng kanilang pagsama sa ama mula pagkabata hanggang sa pagtanda, at kung paanong patuloy nilang hinahanap ang kanyang presensya.
Ayon kay Rachel, si Hajji ay walang talent manager at bihirang gumamit ng social media o PR, ngunit naging matagumpay dahil sa kanyang galing, sipag, at karisma. Hindi rin umano ito nagpapaliban ng shows kahit may nararamdamang sakit.
Nalaman ng publiko na si Hajji ay may stage 4 colon cancer at sumailalim sa operasyon noong Pebrero. Piniling itago ng pamilya ang kanyang karamdaman, ayon kay Rachel, dahil umaasa si Hajji na siya’y makakabalik pa sa pagpe-perform.
“Hindi pa rin ako handa,” ani Rachel habang inalala ang mga huling sandali ng ama. “I will now just be singing and dancing with Dad in my dreams.”
Si Hajji Alejandro, ipinanganak bilang Angelito Toledo Alejandro, ay kilalang miyembro ng Circus Band at naging tanyag sa mga kantang “Kay Ganda ng Ating Musika,” “Panakip-butas,” at “Tag-Araw, Tag-Ulan.”