-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng Federal Bureau of Investigation, US Justice Department at iba pang state agencies ang nasa likod ng ipinakalat na racist mass text messages sa mga Black American noong kasagsagan ng 2024 US Presidential elections.

Naiulat ang pagpapadala ng text messages mula sa anonymous individuals sa iba’t ibang estado ng Amerika kabilang na sa New York, Alabama, California, Ohio, Pennsylvania, Maryland at Tennessee.

Sa ipinadalang text message, mababasa na inuutusan ng sender ang mga recipient na sumakay sa isang bus o van na magdadala sa kanila sa isang plantation para magtrabaho bilang slaves o alipin. Ayon kay Federal Communications Commission Chair Jessica Rosenworcel na ipinapadala ang naturang mga text message sa mga bata at college students na nagdulot ng pagkabahala.

Ayon naman kay Louisiana Attorney General Liz Murrill, gumamit ang sender ng Virtual Private Network (VPN) para hindi matunton ang pinagmulan nito.

Inamin naman ng Phone service provider na TextNow na ginamit ang isa o mahigit pa sa kanilang account para ipadala ang racist text messages subalit mabilis naman umano nilang na-disable ang naturang mga account.

Samantala, una naman ng nilinaw ng presidential campaign ni US President-elect Donald Trump na wala silang kinalaman sa naturang pagpapakalat ng racist text messages sa Black Americans.