Patay ang isang radio broadcaster nang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang suspek habang naka-on-board sa loob mismo ng kaniyang radio station sa Misamis Occidental.
Sa ulat, pasado alas-5:00am ng umaga ngayong araw, Nobyembre 5, 2023, ay nagpakilala ang suspek na mananawagan lamang sa radyo atsaka pinasok ang radio station ng biktima na nasa loob mismo ng kaniyang tahanan sa Brgy. Don A. Neri, Calamba, Misamis Occidental.
Kinilala ang biktimang si Juan Jumalon o mas kilala sa pangalang DJ Johnny Walker, 57-anyos residente sa naturang lugar.
Naaktuhan rin mismo sa live streaming ni Jumalon ang naturang pamamaril kung saan kinuha pa ng suspek ang kwintas nito bago tumakas.
Ayon sa kapulisan ay nagtamo ng tama ng bala ng baril ang biktima sa kaniyang lower lip na tumagos naman sa likod ng kaniyang ulo,
Agad na isinugod sa Calamba district hospital ang biktima ngunit ideneklara itong dead-on-arrival.
Kaugnay nito agad na nagkasa ng hot pursuit operation ang Calamba municipal police station at naka-alerto na rin ang lahat ng mga check-points para sa agarang pagdakip sa naturang salarin kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng PNP ukol dito upang alamin ang mga posibleng motibo sa nangyaring krimen.