-- Advertisements --

ILOILO CITY – Positibo ang Panay Railways Incorporated na matutuloy na ang dati pang planong rehabilitasyon ng railway system na magkokonekta sa Iloilo at sa iba pang probinsya sa Panay.

Ito ay kasunod ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa amended Public Service Act na nagbibigay ng pagkakataon sa mga foreign investors na magmay-ari ng 100% sa public services kagaya ng telecommunications, railways, expressways, airports, at shipping industries sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Capt. Cesar Capellan, Chief Operating Officer ng Panay Railways Incorporated, sinabi nito na matagal nang may mahigit limang Chinese firms na interesado sa pag-rehabilitate sa Panay Railway.

May nilagdaan umanong Memorandum of Understanding kasama ang Chinese firms ngunit hindi naabot ang requirements kagaya ng pagpasa ng feasibility study at financial schemes sa proyekto.

Kabilang sa kompanya mula China ay ang Shandong Dongyue International Trade and Economic Cooperation Limited company, China First Highway Engineering Limited company, China Railways International Limited company, at TRUCK Pacific Development Corporation.

Ayon kay Capellan, bukas ang opisina para sa karagdagang firms na interesado sa proyekto na nangangailangan ng P16 billion na pondo.

Ang Phase 1 ay ang Iloilo City to Roxas City at ang Phase 2 ay ang Roxas City to Caticlan, Aklan.