Tinuldukan ng Rain or Shine ang kanilang two-game losing streak makaraang magapi nila ang Alaska, 86-84, sa 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Mall of Asia Arena nitong Sabado.
Hindi inalintana ng Elasto Painters ang pag-alis sa laro ni Denzel Bowles matapos dumanas ng knee injury.
Dahil sa panalo, inirehistro ng Rain or Shine ang 4-5 kartada at kasalo nila sa ikaanim na puwesto ang Phoenix Pulse.
Si Bowles pa rin ang top scorer para sa Elasto Painters na tumabo ng 16 points, habang kapwa namang naglista ng 11 points sina Mark Borboran at Javee Mocon upang punan ang pagkawala ng kanilang import sa second half.
Nagbuhos ng pitong puntos si Borboran sa fourth quarter para ilista ng Rain or Shine ang 81-73 abante.
Bagama’t sumagot ng limang magkakasunod na puntos ang Aces, tumugon ng tres si Ed Daquioag sa huling 34.4 para sa 84-78 lamang.
Natapyasan ni Chris Banchero sa tatlo ang kanilang deficit, ngunit sumala ang putback ni Diamon Simpson na siyang tumapos sa tsansa ng Alaska na magwagi sa laban.
Kumubra ng 24 points si Banchero, samantalang lumikha ng 22 points at 23 rebounds si Simpson para sa Aces, na nalaglag sa 4-6.
Narito ang mga iskor:
Rain or Shine 86 – Bowles 16, Mocon 11, Borboran 11, Nambatac 10, Daquioag 7, Norwood 6, Rosales 5, Torres 6, Belga 5, Onwubere 5, Ponferada 2.
Alaska 84 – Banchero 24, Simpson 22, Manuel 13, Baclao 6, Racal 6, Teng 5, Cruz 4, Enciso 2, Thoss 2, Pascual 0, Ayaay 0, Casio 0.
Quarters: 23-20; 39-36; 60-59; 86-84.