Posibleng isagawa na ngayong lingo ang rally ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo na unang ipinangako ng religious organization bilang pagsuporta sa pahayag ni PBBM na walang magandang maidudulot ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Gayonpaman, walang pang desisyon ukol sa eksaktong araw kung kailan isasagawa ang rally, batay na rin sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Philippines mula sa ilang miyembro ng sekta.
Sa naunang pahayag na inilabas ng INC, sinabi nitong magsasagawa ng rally ang mga miyembro nito upang ihayag ang kanilang pakiki-isa sa pahayag ni PBBM na hindi siya pumapabor sa impeachment dahil maraming mga problema ang bansa na dapat mas unahin.
Una na ring sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority na nakikipag-ugnayan ito sa pamunuan ng INC upang mapaghandaan ang isasagawang martsa para hindi ito magdulot ng matinding trapiko sa mga lansangan.
Sa kasalukuyan, dalawang impeachment complaint na ang inihain laban kay VP Sara.
Una na ring dumistansiya ang Malakanyang sa dalawang magkasunod na reklamo.