-- Advertisements --

Bantay-sarado ngayon ang mga rally sites sa Metro Manila sa gitna ng banta ng malawakang protesta ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng kaniyang pagkakaaresto nitong araw ng Martes, Marso 11.

Ito ay bilang tugon sa kautusan ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng police forces na ilagay sa heightened alert status.

Ayon kay NCRPO PBrig. Gen. Anthony Aberin, nakapokus sila sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon partikular na ang pagtugon sa lahat ng posibleng epekto ng anumang mga kilos protesta sa mga motorista at mananakay na karamihan ay mga manggagawa at mga estudyante.

Sa kasalukuyan, binabantayan ng mga ipinakalat na kapulisan ang EDSA Shrine kung saan hinimok ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang mga pro-Duterte na magtipun-tipon at magdaos ng protesta laban sa aniya’y iligal na pag-aresto sa dating Pangulo.

Kasama sa patuloy na binabantayan ang mga rally sites sa Mendiola at Liwasang Bonifacio sa Maynila, Welcome Rotonda sa boundary ng Quezon City at Manila, at sa People Power Monument sa Quezon City.

Para naman maiwasan ang mga posibleng kaguluhn sa pagitan ng mga awtoridad at nagra-rally, inatasan ang mga police commander na makipag-dayalogo sa mga organizer ng rally.