Pararangalan din ngayong taon sa prestihiyosong Ramon Magsaysay Awards ang negosyante na si Kim Jong-Ki mula sa South Korea.
Nasa rurok ng kaniyang karera si Kim bilang isang matagumpay na market operator sa China nang biglang mangyari ang malagim na trahedyang bumago sa kaniyang buhay.
Ito ay matapos magpakamatay ng kaniyang 16 na taong gulang na anak sanhi ng pambubully.
Dahil dito napagdesisyunan ni Kim na itayo ang Foundation for Preventing Youth Violence (FPYV) kung saan layunin nito na talakayin ang nagaganap na karahasan sa mga eskwelahan.
Isa ang South Korea sa may pinaka mataas na suicide rates sa buong Asya.
Napag-alaman na noong 2005, sa bawat 10,000 estudyante ay pumapalo ng 8.2% ang mga nagpapakamatay dahil sa school bullying.
Sa loob ng 24 na taon na pakikipaglaban ni Kim at ng kaniyang organisasyon laban sa school violence ay matagumpay nitong naipabatid ang kaniyang anti-bullying campaigns sa pamamagitan ng seminars, rallies, concerts at pelikula.
Ayon sa Ramon Magsaysay Awards Foundation, patunay lamang ang ginawang ito ni Kim na posibleng gamitin sa magandang paraan ang lungkot at sakit na nararamdaman.