Agad nagsagawa ang Commission on Elections ng random manual audit kasunod ng special elections sa ika-pitong distrito ng Cavite.
Ang special election ay isinagawa noong Sabado sa Cavite matapos italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr ang noo’y nanalo sa naturang distrito na si Jesus Crispin Remulla bilang kalihim ng Department of Justice (DoJ).
Paliwanag ni Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang isasagawang random manual audit ay para masiguro ang transparency at tama ang naging resulta ng halalaan kahapon.
Ang random manual audit ay inumpisahan ng provincial board of canvassers para sa muling pagbibilang ng official vote canvass.
Kung maalala, sa isinagawang special election sa ikapitong distrito ng Cavite na kinabibilangan ng Indang, Amadeo, Tanza at Trece Martirez ay nanalo bilang bagong kongresista ang anak ng kalihim ng Justice department na si Crispin Diego “Ping” Remulla.
Iprinoklama ito ng Commission on Elections kahapon sa Sangguniang Panglunsod Plenary Hall sa loob ng Cavite Provincial Capitol.
Nakakuha ng botong 98,474 ang nakababatang Remulla, na siya ring 7th district provincial board member.
Tinalo nito si dating Trece Martires City mayor Melencio De Sagun na nakakuha ng botong 46,530, Lito Aguinaldo na may botong 1,610 at Mike Santos na may botong 1,068.
Lumalabas na ang total turnout ng mga boto sa naturang distrito ay nasa 42.11 percent lamang o 149,581 counted votes mula sa 355,184 registered voters.