LAOAG CITY – Hindi mailarawan ni Ms. Dee Vanna Espiritu Galacgac, residente ng Brgy. Valbuena sa bayan ng Pinili dito sa lalawigan ng Ilocos Norte ang lubos na kasiyahan matapos siyang makakuha ng 88.25% rating at Rank 1 sa katatapos na 2024 Food Technologist Licensure Examination.
Aniya, nabigla siya nang malaman ang resulta ng eksaminasyon dahil hindi lang siya nakapasa kundi nanguna rin siya sa board examination.
Hindi raw niya inasahan ang resulta dahil nung natapos na ang kanilang eksaminasyon ay akala niya ay bagsak na ito.
Pag-uwi daw niya ay nagkulong siya sa kanyang kwarto at hindi lumabas ng bahay dahil sa pagkawala ng kumpiyansa.
Sinabi ni Galacgac na nagdikit siya ng mga sticky notes sa lahat ng sulok ng kanyang bahay upang matulungan ang kanyang sarili na maisaulo ang kanyang natutunan.
Dagdag pa niya, wala pa siyang planong magtrabaho sa ibang bansa dahil gusto pa niyang magtrabaho dito sa bansa.
Nagtapos si Galacgac ng magna cum laude noong 2023 ng Bachelor of Science major in Food Technology mula sa Mariano Marcos State University at iskolar ng Department of Science and Technology.
Samantala, sa 995 examinees, 510 ang pumasa o katumbas ng 51.26 percent.