-- Advertisements --

Magkahalong emosyon pa rin ang nararamdaman ng isang Boholana matapos makatuntong ito sa Rank 9 sa inilabas na resulta ng 2024 Licensure Examination for Social Workers.

Si Alliah Dela Torre na nagtapos sa Bohol International Learning College ay nakakuha ng 85.40% rating.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Dela Torre, ibinahagi nito na nangako pa umano siya sa kanyang sarili na mapabilang sa Top 10 at magdala ng karangalan sa kanyang paaralan.

Ibinunyag pa nito na hindi na niya nagawa pang mag-enroll sa face to face na review center at sa halip ay sa online na lamang upang makatipid sa bayarin.

Aniya, isa sa mga hamon na kanyang pinagdaanan sa panahon ng pagrereview ay ang paghabol sa mga nagdaang mga lecture.

Malaki naman ang pasasalamat ng dalaga sa magulang nito at sa kanyang tiyahin na nagsuporta sa kanyang pag-aaral na aniya ang pagkasungkit sa Rank 9 ay sukli na umano sa kanilang pagod at sakripisyo.

Mensahe pa ng boholana sa mga aspiring social workers na mas mahalin ang napiling kurso at binigyang-diin na mahalaga na maglaan ng panahon bago ang nakatakdang pagsusulit.