Ipinasususpinde ng labor officials sa Saudi Arabia ang ilang recruitment agencies matapos umanong masangkot sa pangmo-molestiya ng Pinay overseas workers ang mga kawani nito.
Ipinagutos ni Philippine Overseas Labor Office (POLO)-Jeddah Labor Attaché Nasser Munder ang suspensyon sa operasyon ng Saudi recruitment agency na Madar Al Kharj at Filipino agency na Iemploy Manpower Services Inc.
Batay sa ulat pinagsamantalahan ng ilang empleyado ng nabanggit na mga ahensya ang isang 22-anyos na overseas Filipino worker (OFW) noong Disyembre.
Habang minaltrato umano ang apat na iba pa sa pamamagitan ng forced work sa iba’t-ibang employer na umabot ng 10 oras.
Ito ay hiwalay pa raw sa dalawang oras na duty sa kanilang mga orihinal na amo, at sa kabila ng pagkakagawad sa mga ito ng Iqama o residence permit.
Sa ngayon pinaiimbestigahan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang nasabing kaso.
Nasa pangangalaga naman na daw ng Bahay Kalinga ang suspected rape victim, habang nasa Migrant Workers and Other Overseas Filipinos Resource Center ang apat na manggagawang tumakas sa kanilang mga amo.