Ikinukonsidera ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na fake news ang naging paratang ng Gabriela na ginagahasa ng mga sundalong nakikipaglaban sa Maute Group ang mga babae sa Marawi.
Ayon kay Lorenzana, ang kanyang naging batayan ay dahil hindi naghain ng pormal na reklamo ang Gabriela laban sa mga sundalo sa halip na sa media nila ipinarating ang kanilang paratang.
Giit ng kalihim, planado ng Gabriela ang paratang na ito sa pamamagitan ng pagdadala ng mga babae sa Iligan para magpanggap na tumutulong sa mga evacuee pero ang totoo ay iniimpluwesyahan ng mga ito ang mga babaeng bakwit.
Naniniwala si Lorenzana na bahagi lamang ito ng taktika ng Gabriela para mapansin ng Senado at Kongreso.
Ipinagtataka rin ng kalihim kung bakit ayaw pangalanan ng Gabriela ang mga babaeng nagrereklamo ng panggagahasa laban sa mga sundalo.
Hamon ng kalihim sa grupong Gabriela na maglabas ng ebidensiya at patunayan ang kanilang alegasyon, at siya raw mismo ang mangunguna para parusahan ang mga ito.