DAVAO – Ilang buwan pa lamang mula nang magsimula ang taong 2023, napag-alaman na ang pagtaas ng kaso ng panggagahasa sa Davao City, ayon kasi sa datos ng Davao City Police Office (DCPO), ay nangunguna pa rin sa listahan ng walong focused crime ang rape o panggagahasa kung saan 15 kaso ang naitala mula buwan ng Enero hanggang Pebrero ng taong ito.
Sinundan ito ng pagnanakaw kung saan mayroong 10 kaso kumpara noong nakaraang taon na 16 na kaso mula Enero hanggang Pebrero. Sa kabilang banda, naalarma rin ang tanggapan sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng pagpatay na ngayon ay nasa ikatlong puwesto.
Ngunit ikinatutuwa ng pulisya na mababa ang kabuuang bilang ng krimen ngayong taon kumpara noong nakaraang taon 2022 kung saan umabot sa 78 ang kaso habang ngayon ay 45 na lamang mula Enero-Pebrero.
Patuloy din ang pagsisikap ng DCPO na mabawasan ang bilang ng mga krimen sa lungsod sa pamamagitan ng pagsasagawa ng masinsinang monitoring sa lungsod lalo na kapag may mga malalaking event na nakatakdang idaos sa lungsod.