ILOILO CITY – Mismong si Iloilo Gov. Arthur Defensor Sr. na ang nagpatawag ng imbestigasyon sa umano’y rape scandal sa loob ng provincial capitol.
Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni provincial administrator Atty. Suzette Mamon na ipinag-utos ng gobernador ang pagbuo sa isang fact finding committee na magsisiyasat sa naturang kontrobersiya.
Batay sa inisyal na ulat, pinagsamantalahan umano ng Provincial Guard II na si Rowen Ledesma, 35, ang isang masahista na si “Jane” sa loob ng tanggapan ni board member Nielo Tupas.
Nabatid din na dati nang sinampahan ng kasong rape ang nasabing guwardiya.
Bukod dito, nakuhanan umano ng CCTV footage si Ledesma na pumuslit sa susi ng opisina ni Tupas.
Nakita rin umano ang paglabas sa silid ng guwardiya at ng biktima.