-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Inamin umano ng suspek sa panghahalay at pagpatay sa 7-year-old pupil sa Victorias City, Negros Occidental na bangag ito sa iligal na droga nang ginawa nito ang krimen, Linggo ng hapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Captain Joy Ellaga, deputy chief ng Victorias City Police Station, inihayag nito na high sa shabu si Mark Besa nang kanyang ginahasa ang biktimang si Janelle Mae Didal sa Villa Miranda, Barangay 6A dahil kagagamit lang nito Linggo ng umaga.

Inamin umano ni Besa na inutusan nito ang bata na bumili ng sigarilyo dakong ala-1:00 ng hapon at pagbalik nito sa kanilang bahay, dinala ito ng suspek sa banyo at minolestiya.

Itinangi umano ng suspek na may nangyaring penetration kundi nilaro lamang daw nito ang maselang bahagi ng katawan ng biktima.

Ngunit sa autopsy examination sa bangkay ni Didal ayon sa pulis may nakitang laceration sa hymen ng bata na patunay na ito ay hinalay.

Dahil daw bangag sa iligal na droga si Besa, inuntog nito ang ulo ng bata hanggang sa mamatay.

Hindi naman nito idinetalye kung paano niya itinago sa basurahan ang bangkay.

Dahil may libing sa kanilang lugar Linggo ng hapon, dumalo rin umano si Besa upang itago ang kanyang ginawa.

Pagkatapos ng libing, nagtago ito sa Barangay 9 ngunit Lunes ng madaling-araw, bumalik ang suspek sa Barangay 6A at nagnakaw ng motor banca na kanyang sinakyan patawid sa Barotac Viejo, Iloilo.

Nabatid na kahapon ng tanghali, kinasuhan na si Besa ng rape with homicide.