KORONADAL CITY- Sumuko na sa mga otoridad ang isang rape suspect na pinakawalan dahil sa Good Conduct Time Allowance o GCTA Law.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Koronadal ni Lt Col Marvin Duadua, hepe ng Polomolok PNP.
Ayon kay Duadua, sumuko na si Jose Noque Garcia, 62-anyos, may asawa at residente ng Tboli, South Cotabato at kasalukuyang naninirahan sa kaniyang anak sa Prk Pag-asa, Brgy Magsaysay sa naturang bayan.
Dahil umano sa takot na malagay sa alanganin ang kaniyang buhay kaya ito kusang sumuko sa Polomolok PNP.
Ito umano ang kaniyang ginawa kasunod ng naging mandato ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumuko ang lahat na mga pinalayang preso dahil sa GCTA Law.
Sinabi ni Duadua na nagsilbi ng 33 taon si Garcia sa kasong rape noong May 9, 1990 at pinakawalan naman noong Abril 5, 2017.
Dahil 2017 ito pinakawalan, sakop ito sa covered period mula 2014 hanggang 2019 na pinapa-recall at pinapasuko ng presidente ang mga bilanggo dahil sa GCTA.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ito ng Polomolok PNP at nakatakdang i-turnover sa Iwahig Penal Colony sa Palawan upang kaagad maibalik sa Bureau of Corrections.