-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang rape suspect makaraang mang-agaw umano ng baril sa isang pulis sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang nasawi na si Datu Mohamad Acmad, 46, may asawa at residente ng Brgy Manion, Parang, Maguindanao.

Ayon kay Parang chief of police, Lt. Col. Ibrahim Jambiran na habang kinukunan ng mugshot ang suspek sa loob ng Parang Municipal Police Station sa Parang, Maguindanao ay bigla raw itong nang-agaw ng baril sa isang babaeng pulis.

Napilitan umano ang ibang pulis na barilin ang suspek kaya naisugod ito sa pagamutan ngunit binawian din ng buhay.

Napag-alaman na bukod umano sa kinakaharap na rape case ay may nauna ng mga nabiktima ng panggagahasa ang suspek kabilang na ang asawa ng kanyang stepson.

Pumalag naman ang pamilya ng suspek dahil kusa lamang itong sumuko sa pulisya para ayusin ang akusasyon na panggagahasa laban sa kanya.