-- Advertisements --

Pinalaya na sa kustodiya ng New York State Police ang rapper na si Kodak Black makaraang dakpin dahil sa drug at gun charges nang sinubukan nitong pumasok sa US mula sa Canada.

Nitong Miyerkules nang pigilan at arestuhin si Black, na minamaneho ang kanyang Cadillac Escalade, ng mga tauhan ng US Customs and Border Protection sa Lewiston-Queenston International Bridge.

Kabilang din sa mga hinuli ang tatlong iba pa, na sakay naman ng isang Porsche.

Batay sa ulat, nakapaglagak na ng $20,000 piyansa ang 21-year-old rapper sa Niagara County Jail nitong Huwebes (Biyernes, Manila time).

Mayroon namang nakatakdang court date ang singer para sa susunod na buwan.

Bago ito, sinabi ng pulisya, kinasuhan si Black ng second-degree criminal possession of a weapon, na isang Glock 9mm pistol, at unlawful possession of marijuana.

Gayundin ang kinakaharap na kaso ng tatlong iba pa dahil sa mga armas at drogang natagpuan sa gamit nilang kotse. (CNA/ CNN)