Nagpositibo sa paggamit ng marijuana ang sikat na rapper na si Loonie at dalawa pa nitong kasamang nadakip sa isang buy-bust operation sa Makati City kamakailan.
Base sa initial laboratory report na inilabas ng Southern Police District (SPD)-Crime Laboratory, positibo ang rapper, na Marlon Peroramas sa totoong buhay, sa THC metabolites na pangunahing aktibong sangkap ng marijuana.
Positibo rin sa paggamit ng marijuana ang mga kasamang nahuli ni Loonie na sina Ivan Agustin at David Rizon.
Negatibo naman ang tatlo sa metamphetamine o shabu, batay sa pagsusuri sa kanilang urine specimen.
Samantala, negatibo naman sa kapwa marijuana at shabu ang kapatid ni Loonie na si Idyll Liza Peroramas, at driver na si Albert Alvarez.
Pero ayon sa naturang report, isasailalim pa sa “confirmatory examination” ang “urine specimen” na ginamit sa test.
Noong Setyembre 18 nang masakote ang mga suspek dahil sa umano’y pagbebenta ng P100,000 halaga ng kush o high-grade marijuana sa isang pulis na nagpanggap na buyer.
Mariin namang itinanggi ni Loonie na nagbebenta ito ng marijuana.