-- Advertisements --

Mariing itinanggi ng isang rapper na gumagamit at nagbebenta ito ng iligal na droga matapos na madakip sa isang buy-bust operation sa lungsod ng Angeles, Pampanga.

Bago ito, naaresto ng mga otoridad ang suspek na si Arnly Dimabuyu o mas kilala bilang si “Xander Bay,” isang social media artist at rapper, sa harap ng isang bar sa siyudad.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) regional director Gil Pabilona, supplier umano si Dimabuyu ng ipinagbabawal na gamot sa mga party at club sa lungsod.

Nakumpiska sa suspek ang umano’y mga ecstasy tablets na nagkakahalagang P16,000, isang sachet ng hinihinalang marijuana, at P500 marked money.

Nakatakdang sumailalim sa drug test si Dimabuyu, na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.