Umiskor ng 32 points at walong rebounds si Pascal Siakam upang pahiyain ng Toronto Raptors ang defending champion Golden State Warriors sa Game 1 ng NBA Finals, 118-109.
Ibinuhos ni Siakam ang kanyang 14 points sa third quarter upang ilayo ang Raptors, bago tuluyang lumpuhin ang Warriors sa huling yugto.
Nag-ambag din si Kawhi Leonard ng 23 points at walong rebounds, Marc Gasol na humataw ng 20 points, at Fred VanVleet na umiskor ng 15 points.
Ito rin ang pinakaunang panalo ng franchise sa championship round na ginanap pa sa kanilang home court sa Scotiabank Arena.
Dahil dito, mayroon nang limang sunod-sunod na panalo ang Raptors, kasama na ang apat na dikit upang ilaglag ang Milwaukee Bucks sa Eastern Conference finals.
Samantala, hindi naman nagbunga ang pinakawalang 34 points ni Stephen Curry para pamunuan ang Warriors.
Tila inalat din ang Splash Brothers duo nina Curry at Klay Thompson kung saan mayroon lamang silang kabuuang pitong 3-pointers mula sa 15 pagtatangka.
Bagama’t nakalasap ng abanse ang two-time defending champions sa first quarter, tila gumanti ang Toronto at tinangay mula sa kanila ang kontrol ng laro hanggang sa pagtatapos ng final canto.
Nakalapit ang Warriors sa unang dalawang minuto ng fourth quarter makaraang tapyasan nila sa tatlo ang kanilang agwat sa Toronto, ngunit agad sumagot ng dalawang baskets ang Raptors para hindi na lingunin ang kalaban.
Kaya naman, sinabi ng Warriors na magkakaroon sila ng ilang mga adjustments at tatangkain nilang makabawi sa susunod na laro.
Mananatili sa Toronto ang Game 2 na gaganapin sa Lunes ng umaga.