Abot kamay na ngayon ng Toronto Raptors ang unang kampeonato sa kasaysayan ng kanilang prangkisa matapos na masilat muli ang mahigpit na karibal na defending champion Golden State Warriors sa Game 4 sa score na 105-92.
Dahil dito abanse na sa serye ang Raptors, 3-1, at isang panalo na lamang ang kailangan para masungkit ang unang titulo mula nang umanib sa NBA noong taong 1995.
Mas lumakas ang loob ngayon ng Raptors dahil ang Game 5 (Tuesday, June 11) ay gaganapin sa kanilang teritoryo sa Canada. Ang Game 6 naman sa Biyernes, June 14 ay babalik ang serye sa Oracle Arena kung sakali.
Nasayang ang pagbabalik sa game ni Klay Thompson na nagtala ng 28 points matapos na hindi makapaglaro sa Game 3 dahil sa injury sa left hamstring.
Tulad ng inaasahan bumawi at naging mainit ang kamay ni Thompson na nagpakawala ng anim na 3-pointers.
Maging ang sentro ng Warriors na si Kevon Looney ay balik na rin at nag-ambag ng 10 points.
Ang isa sa “Splash Brother†na si Stephen Curry ay nalimitahan lamang sa 27 points bunsod ng bantay sarado na inilatag ng Raptors.
Noong Game 3 ang two-time MVP ay nagposte ng 47 points.
Kapansin pansin na siyam lamang ang pumasok sa 22 field goal attempts ni Curry at nakapagbuslo ng tanging dalawang 3-pointers mula sa siyam na pagtatangka.
Sa first quarter sa buong akala ay magtutuloy-tuloy na ang pagbangon ng Warriors nang lumamang sa 23-17.
Pero pagsapit ng second quarter at third quarter ay doon na unti-unting humabol ang Raptors hanggang sa hindi na binitawan pa ang kalamangan.
Dinomina ng Raptors ang Golden State, 37-21 sa third quarter gamit ang 18-0 run.
Kung dumidikit ang Warriors ay may pansagot naman na tira ang Toronto.
Muling nagpakita ng mala-halimaw na laro si Kawhi Leonard nang magtapos ng 36 points, 12 rebounds, two assists at four steals.
Makikitang consistent si Leonard sa kanyang game para sa panibagong vintage performance na mistulang naging routine na niya ngayong postseason.
Para kay Leonard hindi na niya kailangan pa ang magpakitang gilas o payabangan sa laro.
Ang mahalaga umano ay matulungan niyang manalo ang kanilang team.
“I don’t play hero basketball,†ani Leonard sa ESPN. “I’m not playing for fans, you know. I’m just playing to win. I’m not out here trying to break records, whatever’s on the scoreboard. I’m just out here trying to help my team win.â€
Samantala malaking tulong din sa panalo ng Raptors ang nagawa ni Serge Ibaka mula sa bench na nagpakita ng 20 points
Nag-iwan din ng walong puntos si Fred VanVleet bago napilitang tumungo ng locker room dahil sa duguang mukha samantalang may 9:35 minutos ang nalalabi sa game makaraang tamaan ng kaliwang kamay ni Shaun Livingston.
Si Paskal Siakam ay umabot sa 19 points ang nagawa at sina Kyle Lowry ay 10 points at tatlo lamang kay Danny Green.
Sa kampo ng Warriors, single digit points lamang ang naipakita nina Andre Iguodala (3), Demarcus Cousins (6) at si Livingston ay nagkasya sa six points.
Sa ngayon umaasa pa rin ang Warriors na makabalik na sa team sa Game 5 si Kevin Durant.
Positibo pa rin ang Golden State na makakabangon sila sa 3-1 deficit at magtala rin ng sariling kasaysayan sa NBA.