Magmamartsa na patungong second round ng NBA playoffs ang Toronto Raptors, Philadelphia 76ers at Portland Trail Blazers matapos ang kanilang matagumpay na kampanya sa kani-kanilang mga serye.
Tinuldukan na kasi ng Raptors ang kanilang first-round playoff showdown sa Orlando Magic makaraan nilang itala ang 115-96 win.
Naging sandigan ng Toronto si Kawhi Leonard na tumipon ng 27 points, at si Pascal Siakam na nagdagdag ng 24 points.
Umalalay din si Kyle Lowry na pumoste ng 14 points para sa Toronto, na iginupo nang walang kahirap-hirap ang Magic.
Samantala, hindi nagbunga ang 15 points ni D.J. Augustin, 12 ni Terrence Ross, at Aaron Gordon 11 para sa Orlando.
Nakalihka lamang ng 32 of 83 shots ang Orlando, kabilang na ang malamyang 9 of 34 mula sa downtown.
Sa Philadelphia, pinamunuan ni Joel Embiid na naglista ng 23 points at 13 rebounds ang Sixers para biguin ang Brooklyn Nets, 122-100.
Sumandal naman kay Rondae Hollis-Jefferson na tumipa ng 21 points ang Nets, na tutungo na sa offseason makaraan ang kanilang first playoff series buhat noong 2015.
Ang Raptors at Sixers din ang magtutuos sa sunod na round.
Sa kabilang dako, pumukol ng 37-footer sa buzzer si Damian Lillard para magbitaw ng career playoff-high na 50 points upang akayin ang Portland Trail Blazers tungo sa 118-115 paglusot sa Oklahoma City Thunder.
Bunsod nito, pasok na rin sa second round ng NBA playoffs ang Blazers, na tinuldukan ang kanilang Western Conference first-round playoff series sa loob ng limang laro.
Nakatakdang harapin ng Portland ang magwawagi sa serye naman ng Nuggets at San Antonio, na kasalukuyang nasa 3-2 pabor sa Spurs.