Ipinasok ni Serge Ibaka ang dalawang free throws sa nalalabing 5.1 segundong natitira sa overtime upang selyuhan ang matagumpay na pagtakas ng Toronto Raptors sa Charlotte Hornets, 112-110.
Si Ibaka at si Terence Davis ang siyang kumarga sa defending champions na kapwa nagtapos na may 23 points at 11 rebounds.
Maliban sa dalawa, hindi rin nagpahuli si OG Anunoby na pumoste ng 19 points, at Kyle Lowry na kumamada ng 15 markers at siyam na assists.
Sa panig naman ng Hornets, nanguna naman ang beteranong point guard na si Terry Rozier na umiskor ng 27 points, ngunit nagmintis ang pinukol nitong 3-pointer sa pagtunog ng buzzer sa extra period.
Bahagyang nagkaroon naman ng tensyon sa pagitan nina Rozier at Davis na nagduruan at nagkapalitan pa ng maanghang na salita sa court bago sila paghiwalayin ng kanilang mga teammates.
Matapos umabante ng hanggang 12 puntos sa third quarter, nalubog sa 10 ang Raptors sa fourth canto makaraang magpasabog ng tres si Rozier mula sa kaliwang wing sa natitirang 5:25.
Agad namang nakabangon ang Raptors at naagaw muli ang lamang 100-99 sa huling 17 segundo, ngunit napatawan ng foul si Ibaka matapos hablutin ang jersey ni P.J. Washington.
Naitabla ng Charlotte sa 100 ang laro nang ipasok ni Rozier ang automatic free throw, pero pumalya ang runner ni Devonte Graham rason para madala sa overtime ang bakbakan.